saranggolang di lumipad

Aside

Aww. .. nakakalungkot, dahil kung kailan nanumbalik ang aking connection tsaka naman hindi ko naisakatuparan ang aking pagnanais na makalahok sa Saranggola Blog Awards, magkaganun pa man, patuloy pa rin akong sumusuporta na maipalaganap ang akdang sariling atin.

Mahuhusay at magagaling humabi ng mga letra na animo’y idinuduyan ang damdamin ukol sa tema ng patimpalak.

Kaya,para sa lahat ng kalahok, goodluck sa inyo.

At para sa akin bilang dakilang mambabasa, may bukas pa… para sa aking sariling AKDA..

Mabuhay ang SBA

Sulat ni Tatay

Isa sa tambayan ko ang damuhan.com, siguro dahil natutuwa ako kay sir Bino, suplado man ang looks pero friendly, siya siguro ang unang blogger na nakilala ko hindi man in person pero he never turn down ang aking friend request mapa FB o twitter man. #damuhan fanatic.. Ayiii…At sa kanya rin nagsimula ang aking hilig magbasa ng iba’tibang bloggersite hanggang makarating ako sa WP kung saan gumawa ako ng sariling taguan. Syempre ibang kwento na yung aking mga sinusubaybayan dito sa WP.

Pero bakit napag-usapan ito, May #DearDamuhan portion kasi sa #damuhan kung saan may nagpapadala ng liham at may isang blogerong inaanyayahan si Sir Bino para magbigay ng payo.

At ngayong araw nga, The family guy at si kaibigang fiel ang magbibigay payo.

Para sa kabuuan basahin ito Dear Damuhan: The Family Guy at si Fiel-Kun.

Nais ko sanang magbigay ng komento pero di ko nagawa dahil usapang tatay ito, bigla kong na miss si +Papitot, Siguro dahil alam kong mas mahirap ang dinanas na hirap ni papitot.

Kaya habang break kanina, naalala ko ang compilation ko ng mga letter na naipon ko sa retreat/recollection na ibinigay ko.
At heto nga, pinalitan ko lamang ang name ng anak at tatay.

hindi ko mapicturan at wala akong camera at cellphone, bawal sa opisina eh.

letter dated October 27, 2007

Dear Anak,

Bata pa lamang ako ng mag-asawa, nagkaroon ng anim na anak at dahil dito hindi na nakatapos ng pag-aaral ang aking asawa. Lumalaki na ang aking pamilya, kaya’t napagpasyahan kong mangibang bansa upang doon makipagsapalaran upang mabigyan ng magandang bukas ang aking mga anak.

Mahirap ang kalagayan ko sa ibang bansa, May panahon na kumakain ako ng tira-tira para lamang maka survive, Nagtatrabaho ng labing apat na oras upang maka-ipon at maipadala sa aking pamilya. Tinitiis ang mala sibuyas na amoy ng mga amo kong hindi ko alam kung kailan huling naligo. Hindi madali ang lahat sa simula lalo na kapag maysakit ang aking mga anak, Wala ako sa tabi ng kanilang nanay upang damayan sa pag-aalaga, Wala ako tuwing may malalaking okasyon tulad ng Pasko, Maraming kaarawan ng aking anak ang hindi ko sila kasama, Laging tatlong taon ang aking kontrata. Mahirap mawalay sa pamilya ng maraming taon, hindi ko man lamang nakita at nasubaybayan ang aking mga anak hanggang sa kanilang pagbibinata at pagdadalaga. Ilang beses na ako’y pabalik-balik ng bansa. Tunay na mahirap malayo, pero kailangan dahil dito ay matutugunan ko ang lumalaking pangangailangan ng mga mahal ko sa buhay.

Sa mga sandaling wala akong iniisip kundi ang aking pamilya, may mga pagkakataon hindi ko mapaglabanan ang tukso dala ng pangungulila, Oo, nambabae ako, nagsugal, nagkaroon ng bisyo. Dumating ako sa punto na hindi nagpapadala ng pera dahil na rin sa pagliliwaliw upang bigyan kasiyahan ang sarili ko.

Alam kong sa kabila ng aking pagkukulang at hindi man kapiling ang aking mag-iina, nagpapasalamat ako sa aking panganay na tumatayo bilang ama habang ako’y wala. Masakit man pero kailangan tanggapin lalo na ng mag-asawa ng maaga ang isa sa kanila, pero ito ang buhay, wala akong lagi sa tabi nila upang magabayan ng todo. Masakit sa akin ang lumayo pero alalang alang sa kanila, tiniis ko

Alam kong sila’y nasa kasibulan na at unti-unti ng humaharap sa realidad ng mundo. Ang tangi ko lamang masasabi. Maikli ang buhay, Hindi magtatagal ang inabuso kong katawan ay unti-unti na ring manghihina, magkagayon pa man, Masaya ako dahil alam kong hindi man ako perpektong AMA alam kong hindi naranasan ng mga anak ko ang kumain ng mga tira-tira tulad noong ako’y nasa ibang bansa pa.

Sa inyo mga anak ko, hindi man naging masaya noon ang buhay dahil wala ako, Sinisikap ko pa ring maging isang Ama na laging gagabay sa inyo.

Malayo man si tatay, sana tandaan ninyo, Mahal na Mahal ko kayo.

~tatay~

================================

at para sa letter sender sa #damuhan,

Mapalad ka dahil nandyan pa ang iyong ama.
Nakikita, nahahahawakan, nakaka-usap
Maaring may hindi pagkakaunawaan pero may panahon pa para itama.
maikli lamang ang buhay, huwag sayangin ang pagkakataon na ikaw mismo ang magpahayag ang pagmamahal sa iyong ama, ikaw ang pumuno ng pagkukulang.

“Darkness cannot drive out darkness: only light can do that.
Hate cannot drive out hate: only love can do that.”

————————