Ang lihim sa likod ng Lipstick

Alas-kwatro ng umaga nang makatapos ako sa home service.

Nakakapagod, isinilid ko na sa bag ang mga gamit ko,

Mukha ba akong groggy?

hindi pa naman..

Nakakapanlata ang ganitong trabaho, pero masaya ako,siguro ngayon ko lang naramdaman dahil ilang gabi na rin akong puyat sa pag-aaral. Oo, nag-aaral pa rin ako, kahit nagtatrabaho. Pangalawa ko nang kurso, na kahit anong gawin ko, hindi ko pa rin mahanap kung ano ba talaga ang gusto ko. Ang sa akin ay pasok lang ng pasok hanggat hindi bawal.

Mag-CR lang ako ha, sabay dala ng aking bag,diretso na kasi ako sa paaralan, midterm exam kaya kailangan kong pumasok, DS kasi ako as in distant student, pumapasok lang kapag maluwag ang oras ko. Kaya medyo matatagalan pa ulit bago ko matapos ang kurso ko.

Diretso ka na ba sa school.Tanong ni Mang Ben, ang sumundo sa akin kanina para maka pag service.

Tumango lang ako,

Mauna na ako ha. Text mo na lang ako kapag kailanganin ulit ang serbisyo ko.

Agad kong nilisan ang lugar na iyon, dahil padami na rin ang nagdaratingan tao. Mag-uumaga na rin kasi

Medyo may kalayuan din ang byahe ko patungo sa paaralan, pero maaga pa rin akong nakarating, alas-syete ang simula ng aking exam.

Napatingin ako sa cellphone ko, maaga pa, kakain muna ako, bago ako pumasok ng gate. Nagtungo ako sa karinderya sa tapat ng paaralan. Sabay sa pagkain, ang manaka-nakang sulyap sa papel na sinusulatan ng mga lecture at outline ko para sa exam. Tamang-tama ang pwesto ko, sabay inom ng kape.

Unti-unti na ring nagdaratingan ang mga estudyante, kaya’t ng matapos ako pumasok na rin ako sa paaralan.

Good morning Manong?

Wala kang uniform, ID mo? Pagalit na tanong ni manong.

Sabay ngiti at pakita ang ID kay manong.

Pasok na po ma’m. Whaa, special di ba. Ako na ang DS…

Salamat manong, at dumiretso na ako sa room kung saan ako kukuha ng exam.

Ang ingay, parang di ako estudyante no. Mga kaklase ko na sila-sila na lagi magkakasama, akala mo eh mga isang taong hindi nagkita sa lakas ng boses. Parang ako lang din dati.
Tiningnan ko kung saan ako pwedeng umupo, sa may unahan ang gusto ko sa tabi ng bintana.
Habang patungo ako, isang kaklase kong babae ang pumatid sa paa ko,
ah.. at nabitiwan ko ang bag na dala ko, gumulong ang ibang laman ng bag, nakalimutan ko na naman i zipper. napabuntong-hininga na lang ako.

dala na rin siguro ng pagod, dahan-dahan akong tumayo, para na rin pulutin ang kumalat kong gamit.

Wow, totoo nga, ang dami niyang make-up oh.. kaya daw DS kasi nagtatrabaho sa gabi.. awww..

Call girl ka ba?

Mga tanong na hindi ko masagot dahil abala sa pagpulot ng mga kumalat mula sa aking make-up kit… wala akong lakas para makipagtalo sa mga batang ito, Alam kong matagal ng bulung-bulungan sa room kung anong trabaho ko, Sabi nga ng isang professor, hayaan na lang daw na mag-isip sila, ang mahalaga, masaya ako sa ginagawa ko.

Ang dami mo namang pang-make up, eh bakit wala kang make-up. you look so gross. OMG.

hay, sana dumating na ang professor.. bulong ko sa sarili ko bago ko pa patulan ang mga ito.

Psst…(hawak ang isa sa mga lipstick ko) pa testing ng lipstick ha.. baka kumita rin ako.

at nagtawanan sila..

Huwag yan, sigaw ko. nilapitan ko at akmang aagawin ang lipstick..

Ganito na ba talaga ang thinking ng mga kabataan ngayon, bulong ko sa sarili ko.

Opps… mamahalin pa ang gamit mo ha.. Akin na lang, kapag di mo ito binigay sa akin, Hmm.. totoo nga ang tsismis. Don’t tell me may lihim ang lipstick na ito…
Tawanan sila…

Akma akong magsasalita ng dumating si prof.

Wala na akong nagawa kundi pumunta sa bakanteng upuan sa unahan sa tabi ng bintana.

Exam.. nasagutan ko naman lahat, pero hindi pa rin maalis sa aking isipan ang kinuhang lipstick, mamahalin kasi, maganda ang shade at bigay pa sa akin, hay…

KRINGGGGGGGGGGGGGGGGGGG

Agad kong nilapitan ang kumuha ng lipstick, hindi pwede, mapapagalitan ako, pero mabilis silang palabas sabay sigaw ng SALAMAT sa lipstick… at nagtawanan sila..

Dala man ng panghihinayang, kahit pa sabihing marami akong dalang lipstick, foundation, concealer, blush on, hindi ko maaring mawala yung lipstick na kinuha.

Hay, tiyak na mapapagalitan ako ng nagbigay ng lipstick.

Sabay tunog ng cellphone.

Tapos ka na ba ng exam mo. Wait ka dito may service ka.

reply ko.
OK, tapos na exam, pupunta na ko jan.

Buti na lang isa lang ang exam ko ngayong umaga, mamaya na ulit hapon.

luminga-linga ako, baka sakaling makikita ko pa ang mga kaklase ko, pero di ko na sila nakita.

Lumabas na ako ng paaralan, sumakay ng tricycle at nagpahatid sa terminal ng jeep. Isang sakay pa at parating na ako.

Habang sakay ng jeep, tiningnan kong muli ang make-up kit ko. Porke’t may dala ako nito, call-girl agad…

Nahihirapan man ako sa trabaho ko, pero masaya ako. Marangal at wala akong niyaypakan tao.
Ito ay isang debosyon na hindi ko pwedeng isapubliko para na rin sa kapakanan ko.

Mama, para po jan sa tabi.

Pagod man, pero kailangan ko pa ring ngumiti, imbyerna man ako sa mga bruhilda kong kaklase. kailangan kong iwaksi.. ORAS ng TRABAHO kailangan maaliwalas ang mukha ko.

Ayan na pala, tamang-tama ang dating mo, kakapaligo pa lang.

Ok.. pasok na ko.

At tinungo ko ang kwarto, isang lalaki ang sumalubong sa akin, na nagpupunas ng basa niyang mukha.

At umupo ako sa gilid ng kama, at nagtanong

Ano pong ikinamatay ni ate?

Atake.

At inilabas ko ang Make-up kit , naaalala kong muli ang kinuhang lipstick, kasabay ng panhihinayang, Kung alam lang nila ang lihim sa likod ng lipstick.. ..

Advertisements

6 thoughts on “Ang lihim sa likod ng Lipstick

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s